Tuguegarao City- Labis na nalulungkot ang Bantay Bigas Group dahil sa hindi umano tinalakay ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA ang patungkol sa food security ng bansa.

Sa panayam kay Cathy Estabilo, tanging ang P66B na stimulus fund lamang para sa mga magsasaka ang tinukoy nito at hindi na aniya ito idinetalye pa.

Sinabi ni Estabillo na kailangan tugunan ng pamahalaan ang food security ng bansa lalo na ngayong nararanasan ang krisis na dulot ng pandemya.

Nakakabahala aniya ang napapabalitang hindi muna mag eexport ng bigas ang Vietnam na isa sa pinagkukunan ng bansa ng supply upang tugunan ang kanilang local consumption.

Kung sakali aniyang matutuloy ito ay dapat lamang na lalong tutukan ng pamahalaan ang pagtulong sa mga magsasaka sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na bahagi nito ang pagtutok sa mga post harvest facilities para sa mga magsasaka, pagbili ng produkto sa mataas na presyo at iba pa.

Sa ngayon ay hindi rin nararamdaman ng publiko ang pagbaba ng presyo ng bigas at wala na ring NFA Rice ang nabibili sa mga palengke.

Gayonpaman ay inaasahan aniya ng kanilang grupo na sa lalong madaling panahon bibigyang pansin ng pamahalalaan ang nasabing usapin lalo na ngayong krisis na dulot ng COVID-19.