Posible umanong nakaw o carnap ang natagpuang nasunog na SUV sa bakanteng lote sa Sitio Tuliao, Brgy Calanan, Tabuk City, Kalinga, kahapon.

Ayon kay SFO1 Allan Apalla ng BFP-Kalinga, sinadyang sunugin ng hindi pa matukoy na dalawang suspek ang 2014 model na kulay puting mitsubishi montero na walang plaka na nagkakahalaga ng P800K.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na Huwebes ng umaga nang pumasok sa pribadong lote na malapit sa Chico river ang SUV, kasama ang isang motorsiklo na ginamit na getaway vehicle ng mga suspek matapos iwanan ang sasakyan na nasunog dakong hatinggabi ng kaparehong araw subalit naireport lamang ang insidente sa pulisya at BFP nitong umaga ng Biyernes.

Sinabi ni Apalla na hindi na mapakikinabangan pa ang sasakyan na nagsimulang sunugin sa loob nito ilang oras bago abandonahin kung saan narekober dito ang ibat-ibang mga susi ng bahay, nail cutter, at relo.

Samantala, nakumpirma naman ng pulisya sa Land Transportation Office (LTO) sa pamamagitan ng chasis at engine number ng narekober na sasakyan na nakarehistro sa pangalan ni Rizaldy Dayag ng Alimannao, Penablanca, Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito ay nakikipag-ugnayan na ang mga otoridad sa PNP-Cagayan at sa may-ari ng sasakyan upang matukoy kung na-carnap ito.