Patay ang isang babaeng security guard na kinilalang si “Joy” at isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos matagpuang kapwa may tama ng bala sa ulo sa loob ng kanilang tinutuluyang kwarto sa isang boarding house sa Brgy. Castillo, Davao City kamakalawa.
Ayon sa ulat ng pulisya, narinig umano ng mga kasamahan nilang boarder ang sunod-sunod na putok ng baril mula sa silid ng babae, dahilan upang agad nilang i-report ito sa mga awtoridad.
Pagpasok ng mga pulis sa kwarto, tumambad sa kanila ang mga bangkay ng dalawang biktima, kalapit ang isang 9MM na baril, ilang basyo ng bala, at personal na gamit.
Batay sa kuha ng CCTV, makikitang pumasok si Joy sa kwarto na sinundan agad ng lalaking biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente at hindi isinasantabi ang posibilidad na ito ay kaso ng murder-suicide.
Kasabay nito, inaalam na rin ng mga pulis ang tunay na relasyon ng dalawa upang matukoy ang motibo at mga pangyayari bago ang pamamaril.