TUGUEGARAO CITY-Iniimbestigahan na ng kapulisan kung saan nanggaling ang nakitang hinihinalang parte ng eroplano sa baybaying sakop ng Barangay Radiwan, Ivana, Batanes.
Ayon kay PCol. Ismael Atluna, Provincial Director ng PNP-Batanes, nakita ng isang mangingisda na kinilalang si Rodolfo Javier ang parte ng eroplano na tinatayang may anim na metro ang haba at dalawang metro naman ang taas na may nakasulat na Chinese character.
Palutang-lutang umano ang nasabing parte ng eroplano sa dagat na may layong 100 metro mula sa Radiwan port.
Hinala ni Atluna na matagal na itong palutang -lutang bago natagpuan dahil may mga nakakapit ng shell.
Palaisipan rin para kay Atluna kung saan nanggaling ang naturang bagay dahil wala namang napaulat na nag-crash na eroplano nitong mga nakalipas na araw sa kanilang nasasakupang lugar.
Kaugnay nito, ipinasakamay na ng PNP ang natagpuang parte ng eroplano sa Aviation Security Group ng Batanes para sa karagdagang pagsisiyasat.
Samantala, sinabi ni Atluna na istriktong ipinapatupad ng kanilang hanay katuwang ang mga LGUs sa naturang probinsya ang mga health protocols bilang pag-iingat sa covid-19.
Mahigpit din ang kanilang monitoring sa mga nais umuwi sa kanilang probinsya kung saan bago ang pagbiyahe ng isang indibidwal ay kailangan munang kumuha ng acceptance clearance mula sa lugar na uuwian sa pamamagitan ng online at magpakita ng negatibong resulta ng swab test bago payagan na makapasok sa kanilang probinsya.