
Natagpuan sa dalampasigan ng Barangay Allasitan, Pamplona, Cagayan ang hinihinalang rocket debris na pinaniniwalaang nagmula sa China noong Lunes, Enero 12.
Ayon sa kay Ensign Ericka Faith Coloso ng Philippine Coast Guard Northeastern Luzon, unang namataan ang nasabing bagay ng isang residente ng Barangay Allasitan at ibinahagi sa social media.
Matapos ito makita, agad na rumesponde ang mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station Claveria upang beripikahin ang ulat.
Sa isinagawang assessment, napag-alamang ang natagpuang debris ay gawa sa metal, may kulay puti at pula, may habang humigit-kumulang 15 talampakan, lapad na anim na talampakan, at tinatayang may bigat na 120 kilo.
Mayroon ding nakitang mga markang “CHN” sa bahagi ng nasabing debris.
Iniuugnay ang insidente sa rocket na inilunsad ng China noong Disyembre 31, 2025.
Ayon sa tala, ang itinakdang drop zone ng rocket debris ay nasa humigit-kumulang 63 nautical miles mula sa Sta. Ana, Cagayan.
Gayunman, dahil sa masamang kondisyon ng panahon, hinihinalang inanod ang debris hanggang sa baybayin ng Pamplona.
Lumabas naman sa isinagawang pagsusuri na negatibo ito sa radiation.
Matapos ang assessment, inilipat ang debris sa Coast Guard Station sa Aparri, Cagayan para sa maayos na pag-iingat at karagdagang imbestigasyon.










