Pinabulaanan ni dating presidential spokesperson Harry Roque na tinanggihan ang kanyang kahilingan na asylum sa The Hague, Netherlands.

Si Roque ay nahaharap sa kasong qualified human trafficking sa ating bansa.

Sinabi ni Roque, hindi pa natatapos ang asylum proceedings, at wala umanong sinuman na may access sa proceedings maliban lamang sa kanya at ang Dutch government dahil sa tinatrato umano ang nasabing usapin na confidential.

Ang kaso ni Roque ay may kaugnayan sa Lucky South 99 POGO firm sa Angeles, Pampanga Regional Trial Court.

Naglabas ng warrant of arrest ang RTC Branch 118 sa Angeles laban kay Roque.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), may nakita ang mga awtoridad na mga ebidensiya ng torture, kidnapping, at sex trafficking sa nasabing POGO.

Mariing pinabulaanan ni Roque ang mga alegasyon laban sa kanya.

Kasabay nito, pinabulaanan din ni Roque na ipinasa ang kanyang kaso sa Germany.

Ayon sa kanya, walang katotohanan na ang kanyang Schengen visa ay inisyu ng Germany at ipinasa ng Dutch immigration ang kanyang kaso sa Germany.