Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian si Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara na pabilisin ang pangangalap ng bagong guro upang tugunan ang pangangailangan sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa.
Kasabay nito, hiniling din ni Gatchalian sa dating senador na kumuha ng mas maraming non-teaching staff upang makatulong sa pag-aaral ng kabataan.
Sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education na kadalasan inaabot nang mahigit anim na buwan ang hiring process ng guro, lalo na’t bahagi ng proseso ang iba pang ahensya tulad ng Department of Budget and Management at Civil Service Commission.
Buhat noong Mayo 24, 2024, may 46,703 posisyon sa DepEd ang hindi pa napupunan, 58% o 26,984 dito ang mga teaching positions. Para sa fiscal year 2025, balak ng DepEd na lumikha ng 20,000 na bagong teaching positions.
Bagama’t naglaan ang National Expenditure Program (NEP) ng P5.50 bilyon para sa bagong posisyong ito, lumalabas na 56,050 ang kabuuang bilang ng gurong kinakailangan sa DepEd at P15.4 bilyon ang pondong kailangan.
Binigyang diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng pag-hire ng mga administrative officers upang mabawasan ang non-teaching workload ng mga guro.
Sa Year One report nito, pinuna ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na umaabot sa halos 50 administrative at ancillary tasks ang ginagampanan ng mga guro. Matatandaang sa ilalim ng DepEd Order No. 02 s. 2024, tinanggal na sa mga guro ang mga administrative tasks.
Naglaan ang NEP ng P3.43 bilyon para sa hiring ng mga non-teaching positions. Ngunit ayon sa DepEd, kailangan nito ng 20,668 na mga non-teaching personnel, kung saan P7.9 bilyon ang kinakailangang pondo.
Tiniyak naman ni Angara na pinabibilisan na ang proseso ng hiring, lalo na sa mga schools divisions kung saan nagaganap ang hiring.