Nakatakdang pag-usapan ng Committee on Transportation ng konseho ng Tuguegarao City ang halaga ng itataas na pamasahe sa tricycle sa mga malalayong barangay sa lungsod sa isasagawang Committee hearing ngayong araw.

Ayon kay Vice Mayor Bienvenido De Guzman, kasunod ito ng isinagawang public hearing kaugnay sa hirit na P3 dagdag sa pasahe sa poblacion kung saan napagkasunduan na mula sa dating P12 ay magiging P15 ang regular fare habang sa discounted naman ay magiging P12 na mula sa P10.

Tatalakayin naman ngayong Lunes ang fare matrix o komputasyon ng pasahe na ipatutupad sa mga biyahe ng tricycle sa iba pang Brgy. tulad ng Carig at Namabbalan.

Inaasahan namang maisusumite ng komite ang kanilang report sa regular sesyon ng Konseho sa Martes para sa kanilang pag-apruba upang maipatupad na ang dagdag pasahe sa susunod na araw.

Matatandaan na nagsumite ng petisyon letter ang Federation of Tricycle Operators and Drivers Association o FETODA sa konseho dahil na rin sa mataas na presyo ng gasolina at mataas na halaga ng mga spare parts ng motor.

-- ADVERTISEMENT --

Ang komputasyon sa taas pasahe ay base aniya sa presyo ng gasolina na P63 kada litro na mas mababa sa kasalukuyang presyo nito na halos P80.