Plano ng Provincial Social Welfare and Development Office ng Cagayan ang pagtatatag ng mga tahanan para sa matatanda kasabay ng mga kaso ng inaabandonang senior citizens.
Ayon kay McPaul Alariao ng PSWDO, irerekomenda ng ahensiya kay incoming Governor Edgar Aglipay ang pagpapatayo ng ‘home for the aged’ o nursing home para sa mga matatanda.
Ang naturang ideya ay bilang pag-adopt sa kanilang natutunan sa pagbisita sa lalawigan ng Cagayan ng Federation of Senior Citizens Association of the Philippines (FESCAP)- Ilocos Sur Chapter para sa isang learning exchange program o palitan ng mga kaalaman.
Sa kabilang banda ay ipinagmalaki naman ng PSWDO sa mga bisita ang dalawang pasilidad ng mga Senior Citizens na matatagpuan sa kapitolyo at sub-capitol.
Binisita rin ng grupo ang Gonzaga FESCAP Center na tinaguriang most outstanding FESCAP Center sa buong lalawigan noong 2024 upang makita ang kanilang mga programa na maaring i-adopt din sa kanilang lugar.
Hinangaan naman ng grupo at kanilang i-aadopt ang ilang programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan gaya ng pagbibigay ng honoraria sa mga FESCAP Federation Officers at Livelihood Assistance Grant sa mga miyembro.