
Inihayag ng Pag-IBIG Fund na magpapatuloy ang kanilang mababang interes sa mga home loan hanggang Hunyo 2025.
Kaugnay nito ay mananatili ang kanilang tatlong taong repricing period rate sa 6.25 porsyento bawat taon, habang ang isang taong repricing period rate naman ay nasa 5.75 porsyento.
Samantala, ang kanilang Affordable Housing Program ay patuloy na mag-aalok ng espesyal na interes na 3 porsyento bawat taon para sa mga minimum-wage earners.
Ito ay sa kabila ng pagtaas ng mga home lending rates na ngayon ay umaabot sa 6.82 hanggang 7.94 porsyento, ayon sa Pag-IBIG.
Sinabi ni Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta na kaya nilang panatilihin ang mababang interest rates dahil sa matatag na koleksyon ng mga bayad sa loan, pagtaas ng kanilang performing loans ratio, at pagpapabuti ng kanilang operational efficiency.
Ayon pa kay Acosta, naitala nila ang pinakamataas na performing loans ratio na 93.72 porsyento noong pagtatapos ng nakaraang taon, na nangangahulugang karamihan sa kanilang mga miyembro ay aktibong nagbabayad ng kanilang mga home loan.
Hinimok din ni Acosta ang mga borrowers na patuloy na tuparin ang kanilang mga obligasyon, dahil ang pagpapalakas ng kanilang pondo ay makakatulong upang mapanatili ang mga mababang interest rates.