Ipinanukala ng ilang kongresista ang pagtatakda ng anim na taong termino para sa barangay at Sangguniang Kabataan officials upang matiyak ang tuloy-tuloy na panunungkulan, mga proyekto at protektahan sila sa pamumulitika.
Sinabi ni House of Representatives Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa isinagawang Liga ng mga Barangay National Congress sa Pasay City kahapon, na inihain nila ang House Bill (HB) No. 10747, ang Act Setting the Term of Office of Barangay and Sangguniang Kabataan Officials to Six Years.
Ayon kay Romualdez, nagpasiya siya at iba pang kongresista na magtakda ng anim na taon na fixed term para sa barangay officials upang mailayo sila sa kalituhan bunsod ng kamakailan na term extensions, poll suspensions, at iba pang batas.
Nakasaad din sa panukala na ang susunod na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ay sa huling Lunes ng Oktubre ng 2029, at magkakaroon ng eleksion kada anim na taon.
Hindi rin pinapayagan sa panukala na magkaroon ng mahigit sa dalawang termino ang Barangay and Sangguniang Kabataan officials.
Sa ngayon, nakatakda ang susunod na BSKE sa 2025, subalit iminungkahi ng ilang sektor maging ang Commission on Elections na isagawa ang susunod na halalan sa 2026 upang maiwasan na mapababa ang termino ng mga opisyal na nanalo noong 2023.