Ipinasa ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na nagsusulong sa paglikha ng mga trabaho para sa mga senior citizen at ilibre sila sa mga bayarin sa kanilang paghahanap ng trabaho.
Pumasa ang House Bill No. 10985, o ang Employment Opportunities for Senior Citizens and Private Entities Incentives sa pamamagitan ng 173 votes sa plenary session kahapon.
Kung magiging batas, ang nasabing panukala na akda nina Senior Citizens Rep. Rodolfo Ordanes, Apec Rep. Sergio Dagooc, Bulacan Rep. Salvador Pleyto Sr. ang aamiyenda sa umiiral na batas para sa mga senior citizen, ang Republic Act No. 7432 of 1992.
Sinabi ni Ordanes, ang lead author ng panukala na mabebenibisyuhan dito ang nasa 10 million senior citizens.
Sa ilalim ng panukala, kailangan na magbigay ng impormasyon at magsagawa ng job-matching services ang Department of Labor and Employment sa mga senior citizen na may kakayahan pa at gustong magtrabaho.
May listahan din sa nasabing panukalang batas ng mga posibleng trabaho para sa seniors, kabilang ang clerical o secretarial work, consultancy, paglilinis o janitorial services, event organizing, pagtuturo, pagtulong sa kusina, sales assistance, Business Process Outsourcing, at iba pang volunteer works.
Ang mga kumpanya na kukuha ng seniors ay mabibigyan ng karagdagan na bawas sa kanilang gross income tax, katumbas ng 25 percent ng kabuuang halaga para sa sahod, benepisyo at training para sa senior citizens.
Pinagbabawalan naman ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na magpataw ng bayarin sa senior citizens para sa mga dokumento, tulad ng birth certificate, police clearance, at medical certificate na kailangan para sa kanilang employment.