Handa ang House Committee on Ethics and Privileges para sa anumang ethics complaint na maaaring isampa laban kay Leyte 4th district Representative Richard Gomez.

Ito ang inihayag ni 4Ps Partylist Representative JC Abalos, chairman ng Ethics Panel sa gitna ng mga pagkondena laban kay Gomez matapos niyang i-post sa social media ang mga mensahe at numero ng ilang mga taga-media na kumukuha lamang ng kanyang panig ukol sa isyu ng food control project sa Matag-ob, Leyte, at inakusahan pa niya ng “media spin.”

Ayon kay Abalos, naitalaga na ang labindalawang miyembro ng Ethics Committee at inaasahang makukumpleto na.

Sa ngayon, iginiit nito na bilang chairman ng komite ay iiwasan muna niyang maglabas ng mga premature na pahayag na maaaring maka-kompromiso sa integridad ng proseso.

Pero kanyang paalala sa lahat lalo na sa media at publiko na ang anumang remedyo gaya ng civil at criminal actions ay available laban sa sinumang miyembro ng Kongreso, at ang recourse ay hindi lamang limitado sa Committee on Ethics.

-- ADVERTISEMENT --

Apela pa ni Abalos sa lahat ng mga miyembro ng Kamara, panatilihin ang “proper conduct and decorum.”

Higit sa hurisdiksyon ng Committee on Ethics, iginiit ni Abalos na ang lahat ay dapat na sumunod sa mga batas.