Umaasa si House Committee on Good Government and Public Accountability Chairperson at Manila Representative Joel Chua na pagbabatayan ng mga senador ang mga dokumento at ebidensya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Chua, mahirap umanong balewalain ang mga dokumentaryong ebidensya na iniharap laban sa bise presidente, bagamat magkakaroon pa rin ng pagkakataon ang kampo nito na kwestiyunin ang mga ebidensya sa Senado.

Sinabi rin ng kongresista na kabilang sa mabibigat na usapin laban kay Duterte ang umano’y pagbabanta nito laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kaniyang pamilya.

Ayon kay Chua, seryosong usapin ito dahil sangkot umano ang seguridad ng bansa kapag ang pinagbabantaan ay ang head of state.

Samantala, inaasahang tatalakayin ng House of Representatives ngayong Lunes ang committee report na nagsasabing may probable cause para i-impeach si Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga alegasyon laban sa bise presidente ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, pagbabanta laban sa Pangulo, at pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman.