
Tututukan ng House Committee on Justice ang alegasyon ng unexplained wealth laban kay Sara Duterte gamit ang mga bank record mula sa Anti-Money Laundering Council na inaasahang isumite sa Abril 22.
Ayon kay committee chairperson Gerville Luistro, kasama sa iimbitahan sa pagdinig ang Ombudsman, SEC, BIR, at si Antonio Trillanes IV para sa clarificatory hearing.
Nauna nang naglabas ng subpoena ang panel upang kunin ang ulat ng bank transactions at mga kahina-hinalang transaksyon na may kaugnayan kay Duterte at sa kanyang asawa na si Mans Carpio mula 2006 hanggang 2025.
Ipinanukala ang subpoena ni Akbayan Rep. Percival Cendaña, habang iminungkahi ni Deputy Minority Leader Jose Manuel Diokno na palawakin ito, ngunit nilimitahan ng panel sa mag-asawa lamang.
Sinabi naman ni Terry Ridon na gagamitin ang mga record upang ikumpara sa net worth na nakasaad sa SALN ng Bise Presidente.
Samantala, nangako ang Office of the Ombudsman sa ilalim ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na susunod sa utos ng panel hinggil sa pagsusumite ng SALN ni Duterte.









