Hinamon ng House prosecution panel ang sinasabing si Mary Grace Piattos na humarap sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang mapatunayan ang tunay nitong pagkakakilanlan.

Ayon sa prosecution panel, mahalagang matukoy kung sino si Mary Grace Piattos dahil isa siya sa mga umano’y tumanggap ng bahagi ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education na umaabot sa mahigit P612 milyon.

Sinabi ng mga prosecutor na batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, walang birth, marriage, o death record sa pangalang Mary Grace Piattos. Gayunman, lumitaw ang naturang pangalan at pirma sa mga acknowledgment receipt na isinumite sa Commission on Audit.

Iginiit ng prosecution na kung hindi haharap ang naturang testigo sa impeachment court, lalo lamang nitong susuportahan ang alegasyon na isa lamang itong kathang-isip na personalidad.

Samantala, sinabi ng kampo ni Vice President Duterte na handa silang i-cross examine ang sinumang ihaharap na testigo ng prosecution. Nakatakdang magsimula ang impeachment trial sa Hulyo 6.

-- ADVERTISEMENT --