
Inilarawan ng House prosecution panel bilang isang “armory of evidence” ang selyadong kahon ng Bureau of Internal Revenue o BIR na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Manases Carpio.
Ayon kay House prosecution spokesperson Zia Adiong, makatutulong ang mga dokumento sa loob ng BIR box upang maipakita ang kabuuang larawan ng idineklarang kita, mga ari-arian, pananagutan, at mga buwis na binayaran ng mag-asawa, kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Sinabi rin ni Adiong na patuloy na tinututulan ng kampo ng Bise Presidente ang pagbubukas at pagmamarka sa BIR box bilang ebidensya sa impeachment trial, bagay na aniya’y dapat pagpasiyahan ng Senate impeachment court.
Samantala, iginiit naman ng House prosecution na ang pagmamarka ng BIR box bilang ebidensya ay bahagi lamang ng pre-trial process at hindi nangangahulugang agad itong tatanggapin o gagamitin bilang ebidensya sa mismong paglilitis.










