Pinalakas pa ng House Prosecution Panel ang kanilang legal team matapos ipakilala ang ikalawang batch ng mga private prosecutor na tutulong sa pag-usig kay Vice President Sara Duterte sa nalalapit na impeachment trial sa Senado.

Kabilang sa mga bagong miyembro ng prosecution team sina Atty. Theodore Te, Atty. Reynaldo Robles, Atty. Arnold Labay, at Atty. Mae Divinagracia.

Ayon sa House prosecution, may malawak na karanasan ang mga ito sa constitutional law, criminal at civil litigation, election law, corporate law, at human rights.

Makakasama nila ang naunang grupo ng mga private prosecutor sa pangunguna ni Atty. Benjamin Tolosa sa paghahain ng mga ebidensya laban sa bise presidente.

Haharapin ni Duterte ang impeachment trial kaugnay ng mga alegasyon ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, hindi umano makatotohanang SALN, unexplained wealth, at mga bantang pahayag laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

-- ADVERTISEMENT --