
Inihayag ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, lead prosecutor sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, na hindi na magsusumite ng reply ang House prosecution panel sa sagot ng Bise Presidente sa Articles of Impeachment.
Sa halip, magsusumite ang panel ng manifestation upang ipaliwanag kung bakit hindi na nila kinakailangang tumugon pa sa sagot ni Duterte. Ayon kay Luistro, hindi naman pinabulaanan ng kampo ng Bise Presidente ang mga alegasyong nakasaad sa impeachment complaint.
Samantala, tiniyak ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na tuloy ang paghahanda ng prosecution panel para sa impeachment trial sa kabila ng mga isyu sa liderato ng Senado.
Kasabay nito, mariing itinanggi nina Rep. Luistro, Manila 3rd District Rep. Joel Chua, ML Party-list Rep. Leila de Lima, at iba pang miyembro ng House prosecution panel ang alegasyon ng 18 umano’y dating Marines na tumanggap sila ng mga maletang may lamang pera.
Ayon sa mga prosecutor, walang katotohanan ang mga paratang at hindi ito makahahadlang sa kanilang tungkuling iharap ang ebidensya sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Duterte.




