Hindi hihilingin ng House prosecution panel ang pag-inhibit ng mga senador na kaalyado ni Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial.

Ayon kay Batangas Rep. Gerville Luistro, pinuno ng House prosecution panel, kinikilala nila ang kapangyarihan at tungkulin ng mga senator-judges sa ilalim ng impeachment process kaya wala silang planong magsulong ng anumang hakbang para mapaalis o mapaiwas ang mga ito sa pagdinig.

Giit pa ni Rep. Luistro, tututulan ng kanilang panig ang anumang mosyon na maglalayong ibasura ang impeachment case sa unang pagkakataon. Aniya, hindi ito nakasaad sa Senate rules on impeachment at malinaw sa 1987 Constitution na ang impeachment trial ay dapat isagawa at mauuwi lamang sa hatol na conviction o acquittal.

Matatandaang 257 miyembro ng Kamara ang bumoto pabor sa impeachment ni Vice President Duterte. Kabilang sa mga paratang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman, hindi tamang deklarasyon ng SALN, hindi pag-divest ng negosyo habang nasa puwesto, pagbibigay umano ng pera sa ilang opisyal ng Department of Education, at mga seryosong alegasyon ng pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Leyte Rep. Martin Romualdez.

Sa pagdinig ng House justice panel, sinabi ni Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura na umabot sa P6.7 bilyon ang umano’y covered at suspicious bank transactions nina Vice President Duterte at asawang si Manases Carpio mula 2006 hanggang 2025.

-- ADVERTISEMENT --