Itinuturing ng prosecution panel ng Kamara na pag-atake sa kalayaan ng pamamahayag ang sunod-sunod na kasong libel at cyber libel na isinampa laban sa mga mamamahayag sa Davao City, ayon kay Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon.
Ayon kay Ridon, may pagkakahawig ang mga kasong ito sa mga naging pag-atake sa media noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang ang mga kasong kinaharap ng ilang organisasyon ng pamamahayag.
Nangako rin si Ridon na susuportahan ng Kamara ang mga mamamahayag na nahaharap sa mga kaso. Hinamon din niya ang Philippine National Police na ipaliwanag ang umano’y hindi pantay na pagpapatupad ng mga arrest warrant, partikular sa kaso ng mamamahayag na si Philip Lustre Jr. at sa kasong grave threats laban kay Vice President Sara Duterte.
Inaresto si Lustre noong Oktubre 24 kaugnay ng cyber libel complaint na isinampa ni Manases Carpio, asawa ng bise presidente. Isang araw bago nito, naghain naman si Davao City 1st District Representative Paolo Duterte ng libel at cyber libel complaints laban sa mga opisyal at mamamahayag ng GMA Network.
Samantala, tinawag ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio na nakababahalang paglala ng umano’y paggamit sa cyber libel upang patahimikin ang mga kritikal na mamamahayag ang pag-aresto kay Lustre.
May mga panukalang batas na naglalayong alisin ang kriminal na pananagutan sa libel na inihain sa 20th Congress, ngunit nananatili pa ang mga ito sa antas ng komite.










