
Iginiit ng House prosecution panel na nakatuon ito sa paghahain ng matitibay na ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte at hindi sa pagbibilang ng mga boto para sa posibleng hatol sa impeachment trial.
Ayon kay private prosecutor at legal spokesperson ng House prosecution panel Atty. Jay Tolosa, nananatiling pareho ang kanilang estratehiya mula sa simula ng paglilitis. Aniya, layunin nilang makabuo ng isang matibay na kaso na suportado ng sapat na ebidensya, anuman ang maging pinal na interpretasyon sa kinakailangang dalawang-katlong boto para sa hatol.
Sinabi rin ni Atty. Tolosa na iginagalang nila ang pahayag ni Senate impeachment court Presiding Officer Senate President Francis “Chiz” Escudero na maaaring dalhin sa Korte Suprema ang usapin tungkol sa voting threshold. Gayunman, aniya, nananatiling nakatuon ang prosekusyon sa presentasyon ng kanilang mga ebidensya sa impeachment trial.










