House to house na kung puntahan ng Provincial Government ng Apayao ang mga residente para bakunahan kontra COVID-19.

Ayon kay Dr. Mark Calban ng Provincial Health Office, isa lamang ito sa mga estratehiya ng ahensya sa pagdayo ng mga vaccinators sa mga liblib at bulubunduking lugar ng lalawigan upang mas mapabilis ang roll out ng bakuna.

Una ay isinagawa aniya ng PHO ang Brgy Bakuna Caravan o clustered sitios vaccination, habang house to house para sa mga senior citizen na hindi makalakad.

Ayon kay Calban na nakipag-ugnayan rin sila sa National Commission on Indigenous Peoples, mga tribal at religous leaders na katuwang ng PHO sa isinasagawang vaccination sa mga Indigenous People.

Dagdag pa niya na nagkaroon ng vaccine hesitancy sa mga residente kaya pati ang NCIP ay tumutulong na rin sa vaccination drive at pagkumbinsi sa mga tao na magpabakuna.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nakapokus ang PHO sa augmentation na maaaring ibigay sa bayan ng Kabugao at Conner na may mababang vaccination turn-out dahil sa misinformation.

Kabilang na rito ang maling paniniwala na magiging zombie ang isang tao pagkalipas ng dalawang taon na nabakunahan ng COVId vaccine.

Iginiit ni Calban na pawang walang katotohanan ang mga ito dahil ang mga bakuna laban sa COVID-19 ay nakakatulong sa proteksyon at mabawasan ang pagkalat ng virus.

Samantala, sinabi ni Calban na umabot sa 56% population coverage sa probinsya ang kumpletong nabakunahan na kontra COVID-19 na target nilang maitaas pa at madagdagan sa mga susunod na araw.