Tuluyan nang ibinasura ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC)-Branch 206 ang huling drug case na kinakaharap ni dating Sen. Leila de Lima.

Ito ay matapos pagbigyan ang kampo ng dating mambabatas sa hiling na demurrer to evidence.

Ayon kay Atty. Boni Tacardon, abogado ng dating mambabatas, ang pagbibigay daan ng hukuman sa demurrer to evidence ay epektibong pagpapawalang-sala sa natitirang kaso ni De Lima.

Una rito, naghain sila ng 52-pahinang mosyon kung saan hiningi nila sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC)-Branch 206 na mapawalang-sala at ideklara siyang inosente dahil hindi umano napatunayan ng prosecution ang kaniyang kasalanan sa mga paglilitis.

Binanggit pa ng kampo nito na halos lahat ng mahahalagang ebidensya ng prosecution ay iniharap noong kanyang bail hearing.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi nila na malinaw ang mensahe ng korte na hindi sapat ang ebidensya upang patunayan ang kanyang kaso nang aprubahan ang kaniyang aplikasyon para sa piyansa.