Tuluyan nang naaresto ang lalaking responsable sa panghahalay sa isang menor-de-edad sa Valenzuela City makaraang matunton ito sa pinagtataguang lugar sa lungsod ng Quezon.

Ayon kay Valenzuela City Police Station Chief P/Col. Joseph Talento, sinimulan nilang tugisin ang 33-anyos na helper na may kasong Qualified Rape of a Minor noon pang nakaraang taon nang hindi na siya mahagilap sa kanyag tirahan sa San Hose Heights sa Bulacan makaraang halayin ang menor-de-edad na biktima sa Valenzuela.

Sa ginawa nilang koordinasyon sa National District Intelligence Team ng Regional Intelligence Unit ng National Capital Region (RIU-NCR) at Intelligence Group (IG), natukoy nila ang kinaroroonan ng akusado.

Dakong alas-7:20 ng gabi nang tuluyang maaresto ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela police sa pangunguna ni P/Lt. Felix Viernes ang akusado sa Bulasan St. La Loma, Quezon City.

Ayon kay P/Capt. Robin Santos, OIC ng IDMS, walang piyansang inirekomenda ang Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 172 nang ilabas ang warrant of arrest laban sa akusado noong Hunyo 19, 2025.

-- ADVERTISEMENT --

Pansamantalang nakadetine sa custodial facility ng Valenzuela Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang paglalabas ng commitment order ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail.