
Hiniling ng ilang human rights groups, kabilang ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Karapatan, National Union of People’s Lawyers (NUPL), at Alyansa Laban sa Korupsyon at Brutalidad ng Pulis, sa Commission on Human Rights (CHR) na imbestigahan ang umano’y karahasan ng mga pulis sa mga nagdaang kilos-protesta.
Sa liham na ipinadala kay CHR Chairperson Richard Palpal-Latoc, hiniling ng mga grupo na siyasatin ang umano’y pang-aabuso ng pulisya sa mga demonstrasyon at manawagan sa pamahalaan na itigil ang umano’y ilegal na paghihigpit sa mapayapang pagtitipon. Hiniling din nila na wakasan ang pagsasampa ng umano’y walang basehang kaso laban sa mga aktibista, protesters at human rights defenders.
Ayon sa mga grupo, 51 katao ang naaresto noong ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan siyam ang nananatiling nakakulong sa Camp Karingal. Iginiit din nila na may mga detainee umanong isinailalim sa interogasyon nang walang abogado at nakaranas ng psychological torture. Samantala, hinihintay pa ang panig ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa mga alegasyon.










