
Umabot na sa humigit-kumulang 150 Overseas Filipino Worker (OFW) na galing sa Middle East ang nakauwi na sa Rehiyon 2 dahil sa hidwaan sa pagitan ng Iran, Estados Unidos, at Israel na kumalat at nakaapekto rin sa gulf countries.
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 2 Director Virsie Tamayao, agad na binigyan ng tulong pinansiyal ang mga ito pagdating sa bansa upang pambili ng pagkain at pamasahe pauwi sa kani-kanilang tahanan.
Marami sa kanila ang nagpasyang hindi na bumalik sa ibang bansa dahil sa takot at panganib, kayat binigyan din sila ng livelihood assistance upang makapagsimula ng sariling kabuhayan dito sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Tamayao, walang pinipiling panahon ang ahensya sa pagtulong sa mga umuuwing distressed OFWs.
Aniya, halos araw-araw sumasalubong ang OWWA sa mga paliparan ng Tuguegarao at Cauayan kabilang na ang Sabado at Linggo, upang asikasuhin ang mga umuuwing OFW na may sakit o kapansanan.
Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa mga ospital upang masiguro ang kanilang gamutan at nagbibigay ng hanggang P30,000 na agarang tulong pinansiyal at hanggang P20,000 na medical assistance sa mga aktibong miyembro ng OWWA na may saklaw na hanggang anim na buwan na paggamot.
Bukod sa medical assistance, binibigyan din ng hanggang P20,000 na puhunan para sa pangkabuhayan ang mga OFW na may kakayahan pang muli na magtrabaho.
Nakikipagtulungan din ang OWWA sa Department of Trade and Industry (DTI) upang masiguro na matagumpay ang kanilang mga negosyo kasama ang pagsasanay, consultation sa negosyo, at patuloy na monitoring.
Saklaw ng OWWA ang mga OFW na nakararanas ng pang-aabuso, hindi patas na pagtrato, pagkawala ng trabaho o mga hidwaan dulot ng kaguluhan sa ibang bansa.
Sa pamamagitan ng e-CARES at pakikipagtulungan sa Migrant Workers Office, agad na ibinibigay ang kinakailangang tulong mula sa paglutas ng alitan hanggang sa pagpapauwi at pagtanggap dito sa Pilipinas.
Para naman sa mga anak ng OFW, mayroong Educational Development Scholarship Program (EDSP) na nagbibigay ng hanggang P60,000 bawat school year at kailangang pumasa sa pagsusulit na pinangangasiwaan ng Department of Science and Technology (DOST).
Sa ilalim naman ng OFW Dependents Scholarship Program (ODSP) na walang qualifying exam, dapat ang kita ng magulang ay hindi lalampas sa $1,000 kada buwan.
Sa school year 2026–2027, inaasahang aabot 3000 ang kukunin sa lambak ng Cagayan para sa ODSP mula sa 10,000 slots sa buong bansa, bukod pa sa mga kasalukuyang scholar.
Samantala, mayroong nang 24 na mga bagong pumasa sa EDSP ngayong taon sa rehiyon habang 15 scholar ang nakapagtapos na may Latin Honors.










