
Inihayag ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na mahaharap sa mga reklamo ang humigit-kumulang 40 personnel ng Bureau of Fire Protection (BFP) kaugnay ng umano’y bid rigging na naganap mula 2005 hanggang 2025.
Ayon kay Remulla, natuklasan ng pamahalaan ang isang sistematikong operasyon ng manipulasyon sa mga bidding process ng BFP na kinasasangkutan ng bilyun-bilyong piso.
Inaasahang maisasampa ang mga kaso laban sa mga dating kasapi ng Bids and Awards Committee ng ahensya, at ilalabas ang kumpletong ulat sa susunod na linggo.
Kasama rin sa iimbestigahan ang isang dating Quezon City fire marshal na umano’y sangkot sa extortion matapos pilitin ang isang establisimyento sa Cubao na bumili ng libo-libong fire extinguishers sa magkakasunod na inspeksyon.
Batay sa imbestigasyon, may indikasyon din ng collusion sa pagitan ng ilang opisyal at supplier.
Kaugnay nito, nagsagawa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng malawakang imbestigasyon upang buwagin ang sinasabing isang “organized crime syndicate” sa loob ng BFP na may kinalaman sa recruitment, procurement, at pag-isyu ng fire safety permits.










