Humigit kumulang isang kilong pinaniniwalaang shabu ang narekober ng isang mangingisda sa bahagi ng Fuga Island, Aparri Cagayan.

Ayon kay Mayor Joseph Llopis ng Calayan Island, isang mangingisda mula sa Camiguin Calayan ang nakakuha ng nasabing shabu kung saan nakita nitong palutang lutang ang isang plastik habang siya ay nasa kalagitnaan ng pangingisda.

Agad naman niyang kinuha ito at nang kanyang buksan ay naghinalang shabu nga ang laman nito at nang makarating na sa pampang ay nagtungo ito sa kanilang brgy.officials upang iulat ang kanyang nadiskubreng droga at dinala sa Police Tactical Unit (PTU) Camiguin Island sa Calayan.

Batay sa pagtaya ni Llopis ay papalo sa P6million ang halaga ng narekober na hinihinalang shabu.

Sa ngayon ay dinala na sa Regional forensic Unit ng Police Regional Office ang nasabing shabu upang isailalim sa masusing pagsusuri.

-- ADVERTISEMENT --

Maalala na mayroon ring napaulat na kahalintulad ng kontrabando sa karagatang bahagi ng Sanchez Mira at Ilocos nitong mga nakalipas na araw at magkakapareho ang kanilang marka.