Nanawagan si Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano sa mga residente na tigilan na ang pambabatikos at huwag sisihin ang mga opisyal ng Barangay kaugnay sa pamimigay ng social amelioration program (SAP) card.

Paglilinaw ng alkalde na ito ay programa ng National Government sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at katuwang lamang ang lokal na pamahalaan sa pagsasakatuparan nito.

Aniya, may mga proseso at batayan o guidelines na sinusunod mula sa National Government at walang kinalaman dito ang mga opisyal ng Barangay at mga lokal na ahensiya.

Ayon kay Soriano, bagamat lahat ay apektado ng enhanced community quarantine dulot ng COVID-19 ngunit naglaan lamang ang National Government sa pamamagitan ng Regional DSWD (base sa kanilang assessment) ng kabuuang 25,605 SAP card para sa Tuguegarao City.

Kulang na kulang aniya ito para paghatian ng halos 42,000 household sa lungsod kaya ang mga pamilyang mahihirap lamang na walang sapat na pambili ng pagkain o ang mga tinatawag na ‘poorest of the poor’ ang mabibigyan ng prayoridad sa naturang ayuda.

-- ADVERTISEMENT --

Magkakaroon din ng re-validation ang DSWD sa mga benepisaryo na karapat-dapat na mabigyan ng tulong base sa impormasyon na sinagutan sa SAP form.

Samakatuwid, ang DSWD pa rin ang huling susuri sa mga SAC Forms at magsasabi kung kwalipikado ang isa o higit pang pamilya na nakatira sa iisang bahay para sa ayuda.

Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano

Ang paglilinaw ay ginawa ni Soriano matapos batikusin ng mga residente ang mga opisyal ng Barangay at lokal na ahensiya sa pamamahagi ng SAC Forms.

Kasabay nito, umapela ang alkalde ng pang-unawa at pasensiya sa mga residente dahil sinisikap ng gobyerno na gawing sapat ang mga ayudang ito sa kabila ng nararansang krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

Bukod kasi sa DSWD, magbibigay din ng ayuda ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga ‘no work, no pay’ sa pribadong sektor at ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka.

Dagdag pa ng alkalde na nabigyan ng relief goods ang lahat ng kabahayan sa lungsod, kasama na ang mga nangungupahan at stranded na estudyante at manggagawa na hindi residente dito.

Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano

Samantala, matatapos na sa Biyernes, (April 10, 2020) ang 14-Day Quarantine Period na ipinatutupad sa Barangay Caritan Norte

Bagamat aalisin na ang ‘total lockdown’ sa naturang Barangay, ipina-alala ni Soriano na umiiral pa rin ang community quarantine sa buong Luzon sa hangaring tuluyan nang matuldukan ang paglaganap ng nakababahalang sakit na COVID-19.

Isang miyembro lamang ng kada pamilya ang papayagang lumabas upang bumili ng pagkain, inumin at gamot na magagamit nila, maliban na lamang sa oras ng curfew na alas 8:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga.

Muli din itong nakikiusap sa lahat ng mga residente na tulungan ang gubyerno sa pamamagitan ng kooperasyon sa ipinatutpad na ECQ upang ma-contain na ang virus.