
Inilabas ni House Deputy Majority Leader Francisco Paolo Ortega V ang ilang pang kakaibang pangalan na nakita umano sa listahan ng mga tumanggap ng confidential funds mula sa Department of Education (DepEd) noong panahon ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Ang bagong grupo ng mga pangalan na tinawag na mula sa “Team Amoy Asim” ay nagngangalang: “Amoy Liu,” “Fernan Amuy,” at “Joug De Asim.”
Ayon kay Ortega, ang naturang mga pangalan na isinumite ng DepEd at Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (CoA), ay wala umanong birth, marriage, o death records sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sinabi ni Ortega na una, may mga pangalan na mula sa mga sitsirya, may cellphone, at mga prutas, ay mayroon pang “Dodong Gang.’
Naniniwala si Ortega na gawa-gawa lamang ang mga nasabing pangalan.
Matatandaan na kinuwestiyon sa pagdinig ng Kamara ang mga isinumiteng dokumento ng tanggapan ni VP Sara kaugnay sa paggamit niya ng confidential funds ng DepEd at OVP noong 2022 at 2023.
Sa dokumento ng mga nakalistang tumanggap umano ng pondo ay sinasabing may mga maling petsa, mga pirma na walang pangalan, o mga pangalan na hindi mabasa.
Kabilang sa mga pangalan na nakalista umanong tumanggap ng confidential funds ay nangangalang Mary Grace Piattos, Xiaome Ocho, Jay Kamote, Miggy Mango, Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong, Dodong S. Barok.
Dati nang sinabi ni Duterte na walang siyang ginawang iregularidad sa naturang pondo at iginiit na pulitika ang nasa likod ng mga pag-atake laban sa kaniya.
Ang hindi maipaliwanag na paggamit ng confidential funds ni Duterte ang dahilan ng kanyang impeachment.