Na-recover ng mga otoridad ang iba’t-ibang matataas na kalibre ng baril, bala at gamit pampasabog na pag-aari ng mga rebelde sa bayan ng Buguey at Gattaran dito sa probinsya ng Cagayan.
Ayon kay MAJ Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th ID Philippine Army, narecover ng mga otoridad ang itinagong arms cache ng mga NPA kasabay ng pagsuko 21 miyembro at kasama ang mga militia ng bayan.
Nakuha sa mabundok na bahagi ng Brgy. Villa Cielo, Buguey ang isang boost master riffle at M14 riffle na may mga magazine at maging ang bala ng M16 at M14 habang sa Brgy Cumao sa Gattaran ay natunton din ang kinaroroonan ng tig-dalawang M16 at M653 Riffle, isang grand riffle at limang Improvised Explosive Devices (IEDs).
Saad ni Pamittan, hindi nadala ng mga rebelde ang kanilang mga gamit pandigma kasabay ng kanilang pagtakas kayat itinago nila ang mga ito sa ligtas na lugar.
Sa datos ng 5th ID ay umabot na sa 30 matataas na kalibre ng armas ang narecover ng kasundaluhan mula lamang nitong buwan ng Enero hanggang Hunyo ngayong taon at hindi pa kasama sa bilang ang mga nakumpiska mula sa mga pinangyarihan ng engkwentro.
Nito lamang nakalipas na araw ay sabay-sabay na sumuko sa pamahalaan ang dalawamput isang miyembro ng New People’s Army o NPA kabilang na ang dalawang mataas na opisyal ng East Front ng Komiteng Probinsiya sa lalawigan ng Cagayan.
Sinabi ni Pamittan na sa ngayon ay patuloy namang isinasaayos ang mga kaukulang dokumento para maipasok sa programa ng gobyerno at mabigyan ng tulong ang mga nagbalik loob na dating miyembro ng makakaliwang grupo at maging ang mga nagturo at nagsuko sa kinaroroonan ng mga matataas na ng armas.