Narekober ng mga otoridad ang iba’t ibang uri ng mga Improvised Explosive Device (IED) na itinago ng mga miyembro ng makakaliwang grupo sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.

Ayon kay LTC Melvin Asuncion, Division Public Affairs Unit chief ng 5th Infantry Division Philippine Army, agad na nagsagawa ng operasyon ang hanay ng kapulisan at kasundaluhan matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concern citizen kaugnay sa kinaroroonan ng mga ibinaon na mga gamit pampasabog sa bulubundukin ng Sitio Tagkar, Brgy. Isca, Gonzaga.

Aniya, nang makarating sa nasabing lugar ay dito na nadiskubre ng mga otoridad ang aabot sa 38 units ng Improvised explosive device (IED) Components, apat na units ng Improvised Blasting Machines, limang unit ng Remote Controller, at 50 meters na haba ng wire.

Base sa impormasyon na natanggap, ang concern citizen na nag paabot ng impormasyon sa pamunuan ng 95th IB ay may personal na kaalaman sa pagkakatago ng mga IED’s sa lugar kung saan ito nakuha.

Marahil na noong panahon na naroon pa umano ang mga armadong grupo ay isa siya sa mga naghukay ng mga IED kung kaya’t mayroon itong personal na kaalaman.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa kawalan na ng presensya ng mga CPP-NPA-NDF sa kanilang komunidad, minarapat na ng concerned citizen na isumbong ang natuklasang mga IED upang hindi na magamit pa ng mga armadong grupo, lalo na sa mga dumadaan sa bayan ng Gonzaga.

Ayon kay LTC Asuncion, ang mga kagamitan ay matagal nang itinago at ibinaon sa nasabing lugar, batay na rin sa mga indikasyon ng mga operatiba sa paghuhukay.

Agad na ipinaabot sa hanay ng kapulisan ng Gonzaga ang mga narekober na mga kagamitan para sa tamang disposisyon.

Ang matagumpay na operasyon aniya ay bunga ng tulong mula sa concerned citizen at mga mamamayan na tumutulong sa laban kontra sa CPP-NPA-NDF, upang tuluyan ng mawakasan ang insurhensiya sa probinsiya ng Cagayan.

Kasama sa matagumpay na operasyon ang mga pwersa ng 95th Infantry Battalion, 502nd Infantry Brigade, 5th Infantry Division, Philippine Army, Gonzaga Police Station, 203rd Maneuver Company, at Regional Mobile Force Battalion 2.

Samantala, binanggit naman ni Asuncion na patuloy na naka-alerto ang mga kasundaluhan at walang itinuturing na ceasefire sa darating na Pasko at Bagong Taon.

Magpapatuloy aniya ang kanilang mga operasyon laban sa mga CPP-NPA-NDF sa mga lugar na may namomonitor na aktibidad ng mga armadong grupo.