Labis na ikinatuwa ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Cagayan Chapter ang mataas na passing rate ng 2021 Bar Exam na umabot ng 72.28%.

Ayon kay Atty. Girlie Mae Cuntapay, presidente ng IBP Cagayan Chapter, ito ang isa sa pinakamakasaysayan at maituturing na ‘Best Bar Ever’ dahil sa dami ng pumasa mula sa lahat ng mga law students na sumailalim sa pagsusulit.

Dahil dito ay pinuri nito ang naging pagpupurisigi ng mga bagong pasang abugado upang maitawid at magtagumpay sa dalawang araw na bar exam nitong nakalipas na Pebrero ngayong taon.

Isa aniya sa malaking tulong sa mga barista ay ang pagpapadali sa proseso at ginawang simple ang Bar exam kung saan ay na-regionalized pa ito habang hindi na rin nila kinailangan pang maghintay ng matagal na resulta dahil pinaikli na lamang ang panahon ng paglalabas nito.

Punto niya, malaking bagay para makaiwas sa stress ang mga barista na hindi na nila kailangan pang dumayo sa Metro Manila o iba pang lugar upang mag-exam.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil regionalized na ito ay hindi na lamang limitado sa mga Abugado mula sa Supreme Court ang nangangasiwa ng exam bagkus ay nabigyan na ng pagkakataon ang ibang abugado sa rehiyon na mula rin sa ibang legal community at ito aniya ang isa sa nakatulong upang mabawasan ang takot at kaba ng mga barista dahil ang iba sa mga nangasiwa rito ay maaaring kilala na rin nila.

Inihayag nito na ang tagumpay ng lahat ng pinalad na pumasa ay bunga na rin ng kanilang pagsisikap at pagpupursigi na makatapos kaya’t dapat aniya nilang alalahanin at pakamahalin ang kanilang mga sakripisyo upang magtagumpay at huwag hayaang madungisan ito sa halip ay panatilihing laging naususunod ang kanilang code of professional responsibility.

Samantala, hinikayat naman ni Cuntapay ang mga hindi pinalad na huwag mawalan ng pag-asa bagkus ay mas pag-igihin pa ang pagsusumikap upang makapasa sa mga susunod pang pagsusulit.

Saad niya na dapat na huwag huminto sa pagsusumikap upang makamit nila ang kanilang pangarap at matapos ang nasimulahan.