TUGUEGARAO CITY-Pinuri ng grupo ng mga abugado ang mabilis na aksiyon ng Philippine National Police o PNP sa kasong administratibo ng pulis na pumatay sa mag-ina niyang kapitbahay sa Paniqui, Tarlac.
Una rito, inirekomenda ng Internal Affairs Service ng Philippine National Police (PNP-IAS) ang dismissal mula sa serbisyo ni Staff Sergeant Jonel Nuezca na nag-viral matapos ang walang awang pagpaslang sa mga biktimang sina Sonya Gregorio at kanyang 25-anyos na anak si Frank Anthony.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atty. Domingo “Egon” Cayosa, presidente ng Integrated Bar of the Phils (IBP) na malaking tulong ito para maibalik ang buong suporta at tiwala ng taongbayan sa kapulisan.
Binigyang diin ni Cayosa na kayang-kaya pala ng kapulisan ng mabilis na paglabas ng desisyon sa mga kinakasuhang pulis kung kayat nanawagan siya na bilisan din ang pag-iimbestiga sa iba pang nakabinbin na kaso para mapanagot ang mga nagkasala o kaya’y malinisan ang pangalan ng mga inirereklamong alagad ng batas.
Ayon sa abugado na nagkakaroon ng culture of impunity at walang natatakot sa batas dahil sa tagal ng pag-usad ng kaso na kung minsan ay walang kinahahantungan na nagbubunsod ng kriminalidad.
Kasabay nito, nanawagan din si Cayosa sa korte na bilisan din ang pagdedesisyon sa kasong criminal ng pulis para maigawad ang hustisya sa naagrabiyadong partido. with reports from Bombo MArvin Cangcang