Tuguegarao City- Umapela ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa mga mambabatas na muling i-review ang isinusulong na anti-terror bill bago lagdaan ni pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam kay Atty. Egon Cayosa, IBP President, sumulat na sila sa Senado at Kamara upang malinawan ang mga nakikitang “constitutional infirmities” na lumalabag sa ilang mga probisyon ng Constitustion.
Kabilang sa tinukoy ng IBP ay ang section 29 ng anti-terrorism bill kung saan maaaring bigyan ng anti-terrorism council ng otorisasyon ang pagpapaaresto sa mga pinaghihinalaang terorista.
Giit nito, ang pagpapakulong ng 14 hanggang 24 na araw sa pinaghihinalaang terorista ng hindi kinakasuhan ay maaaring lumabag sa constitution dahil malinaw na itinatakda rito ang 3 day limit.
Paliwanag pa ni Atty. Cayosa na sa sistemang legal ay dapat lamang na anumang batas ang gagawin o ipapasa ay dapat na hindi sumasalungat sa probisyon ng Constitution.
Sa huli ay muling nananawagan ang IBP kay Pangulong Duterte na basahing muli ang nilalaman ng panukala at iveto ang probisyong labag sa constitution.