Ibinasura ng International Criminal Court Appeals Chamber ang apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa desisyon tungkol sa hurisdiksyon ng hukuman sa kanyang kaso.

Sa desisyong binasa ni Judge Luz del Carmen Ibáñez Carranza, tinanggihan ng Appeals Chamber ang apat na batayan ng apela ng depensa. Dahil dito, sinabi rin ng hukuman na wala nang saysay ang hiling ng kampo ni Duterte na agad at walang kundisyong palayain siya.

Ayon sa desisyon, “Having rejected the entire appeal, the Appeals Chamber considers that the defense’s request for the immediate and unconditional release of Mr. Duterte is moot.”

Sa kabuuan, kinumpirma rin ng Appeals Chamber ang naunang pasya ng Pre-Trial Chamber I na may hurisdiksyon ang ICC sa kaso.

Hindi dumalo si Duterte sa pagdinig matapos niyang hilingin na hindi na kailangan ang kanyang presensya. Sa halip, kinatawan siya ng kanyang mga abogado.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na una nang ibinasura ng Pre-Trial Chamber I ang pagtutol ng kanyang kampo, at sinabing nagsimula ang imbestigasyon bago pa tuluyang kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute.

Sa panig ng depensa, iginiit ng kanyang mga abogado na kulang ang basehan para ituloy ang kaso at muling hiniling ang kanyang agarang pagpapalaya.

Samantala, ayon kay ICC Assistant to Counsel Kristina Conti, magpapatuloy ang proseso sa Pre-Trial Chamber I. Inaasahan din na maglalabas ng susunod na desisyon sa Abril 28, 2026 kung itutuloy ang paglilitis sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs ng administrasyon ni Duterte.