Kinumpirma ni International Criminal Court (ICC) assistant to counsel Atty. Krissy Conti na nabuo na ang Trial Chamber III na hahawak sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng war on drugs.

Ayon kay Atty. Conti, tatlong hukom ang itinalaga para sa kaso: Judge Joanna Korner, Judge Keebong Paek, at Judge Nicolas Guillou. Sila ang didinig sa mga susunod na proseso ng kaso.

Sinabi rin niya na ang mga susunod na hakbang ay pawang administratibo pa lamang at kailangan ng koordinasyon sa pagitan ng prosecution, depensa, at legal team ng mga biktima. Posible ring magkaroon ng status hearing sa mga darating na araw.

Ang ICC ay nag-imbestiga sa mga kaso ng umano’y libo-libong pagkamatay sa kampanya kontra droga noong administrasyon ni Duterte mula 2016 hanggang 2022.

Noong 2021, pinayagan ng ICC Pre-Trial Chamber ang full investigation, na pansamantalang nahinto ngunit muling ipinagpatuloy noong 2022.

-- ADVERTISEMENT --

Kahit umatras ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019, iginiit ng ICC na may saklaw pa rin ito sa mga kasong nangyari habang miyembro pa ang bansa.

Ayon sa ICC, ang pagbuo ng Trial Chamber ay mahalagang hakbang dahil dito na magsisimula ang pormal na paglilitis at pagtalakay ng ebidensya at testimonya.