
Ibinasura ng International Criminal Court (ICC) ang petisyon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa hurisdiksyon ng korte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na iniuugnay sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga.
Ayon sa desisyon ng Pre-Trial Chamber 1, may kapangyarihan pa rin ang ICC na dinggin ang kaso dahil nagsimula ang imbestigasyon bago pa tuluyang umatras ang Pilipinas mula sa Rome Statute.
Binigyang-diin ng korte na nananatiling saklaw ng hurisdiksyon ng ICC ang mga krimeng umano’y naganap habang kasapi pa ng tratado ang Pilipinas.
Nilinaw rin na ayon sa mga probisyon ng Rome Statute, hindi maaaring maapektuhan ng pag-atras ng isang bansa ang mga usaping nasimulan na bago pa ito naging epektibo.
Dahil dito, maaari pa ring ituloy ng ICC ang kaso laban kay Duterte at sa mga posibleng sangkot sa karahasang naganap sa ilalim ng “war on drugs.”
Sa hamong inihain ng depensa noong Mayo, iginiit ng abogado ni Duterte na walang legal na batayan ang mga hakbang ng ICC matapos ang pag-atras ng Pilipinas noong Marso 2019.
Giit nila, dapat ipawalang-bisa ang lahat ng proseso dahil hindi na miyembro ng Rome Statute ang bansa nang buksan ang imbestigasyon noong 2021. Gayunman, hindi ito pinanigan ng hukuman.
Si Duterte ay kasalukuyang nakadetine sa The Hague habang nagpapatuloy ang mga proseso sa kanyang kaso.
Kasabay ng pagbasura sa petisyon sa hurisdiksyon ng ICC, ibinasura rin ng ICC Pre-Trial Chamber ang hiling ng defense team na interim release sa dating pangulo.
Patuloy namang binabantayan ng publiko at ng mga tagasuporta at kritiko ni Duterte ang magiging susunod na hakbang ng korte sa pag-usad ng kaso.










