Inaprubahan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang kahilingan ng prosekusyon na ipagpatuloy ang pag-freeze sa perang nakumpiska kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nang siya ay arestuhin at dalhin sa kustodiya ng international tribunal noong Marso 2025.

Batay sa mga dokumentong inilabas ng ICC nitong Biyernes, Hunyo 27, 2026, pinaboran ng korte ang mosyon ng prosekusyon na panatilihing naka-freeze ang anumang halagang nakuha mula sa dating pangulo sa oras ng kanyang pag-aresto.

Una nang tinutulan ng kampo ni Duterte ang naturang kahilingan. Ayon sa depensa, hindi na umano ito kinakailangan dahil nasa kustodiya na ng ICC Registry ang perang nakumpiska, kaya wala na ring magiging epekto ang naturang hakbang sa pag-usad ng kaso.

Hindi naman isiniwalat ng ICC ang eksaktong halaga ng perang nasamsam mula sa dating pangulo.

Bukod dito, hiniling din ng prosekusyon na mabigyan sila ng access sa iba pang mga personal na gamit na nakumpiska kasabay ng pag-aresto kay Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t hindi tumututol ang depensa sa pagsusuri ng ilan sa mga nasabing kagamitan, hiniling ng abogado ni Duterte na si Atty. Peter Haynes na huwag payagang siyasatin ang mga susi at iba pang personal na gamit na kasalukuyang nasa pangangalaga ng ICC Registry.

Ayon sa depensa, wala umanong sapat na batayan upang iugnay ang mga naturang gamit sa mga kasong iniimbestigahan o sa anumang ari-ariang may kaugnayan dito. Iginiit din nila na hindi maaaring magsagawa ng malawakang paghahalughog sa pag-asang makakahanap ng ebidensiyang magpapatibay sa kaso.

Hiniling din ng kampo ni Duterte na kung pahihintulutan ang pagsusuri sa iba pang nakumpiskang gamit, tiyakin ng prosekusyon na mapangangalagaan ang anumang personal na impormasyon ng dating pangulo at ng kanyang pamilya na walang kaugnayan sa isinasagawang imbestigasyon.