Ipinagpaliban ng International Criminal Court (ICC) ang paglalabas ng desisyon kaugnay sa hiling na pansamantalang paglaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang isinasagawa ang pre-trial proceedings.
Pinagbigyan ng korte ang kahilingan ng kampo ni Duterte na hintayin munang makumpleto ng depensa ang lahat ng kinakailangang dokumento bago ito maglabas ng pinal na pasya.
Ito ay isinasaad sa majority decision ng Pre-Trial Chamber I.
Ayon sa resolusyon, ang mga hukom na sina Iulia Antoanella Motoc at Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou ay pumabor sa deferment, habang si Judge María del Socorro Flores Liera ay kumontra.
Nilinaw ng ICC na tanging ang taong may arrest warrant lamang ang maaaring maghain ng hiling para sa pansamantalang paglaya, alinsunod sa Article 60(2) ng Rome Statute.
Ang desisyon ay hindi pa rin nangangahulugang may pinal na hatol kaugnay sa kalagayan ni Duterte sa kaso.
Inihayag ng kampo ni Duterte na hindi pa nila natatanggap ang ilang sensitibong impormasyon na umano’y kailangan upang mapagtibay ang kanilang argumento para sa pansamantalang paglaya.
Nakasaad sa kanilang 16-pahinang kahilingan na may isang bansa na handang tumanggap sa dating pangulo habang nagpapatuloy ang paglilitis, ngunit hindi isiniwalat ang pangalan nito.
Iginiit din ng depensa na wala nang dahilan upang panatilihin si Duterte sa kustodiya ng ICC dahil hindi ito umano banta sa imbestigasyon o posibleng tumakas.
Si Duterte ay nahaharap sa mga kaso ng crimes against humanity dahil sa libu-libong pagpatay kaugnay ng kanyang war on drugs noong siya ay alkalde ng Davao at presidente ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan, nananatiling nakabinbin ang desisyon sa pansamantalang paglaya habang inaasahang maghahain pa ng karagdagang dokumento ang kampo ng depensa.