Tinukoy ng International Criminal Court (ICC) sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, Christopher Lawrence “Bong” Go, at iba pang personalidad bilang co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y paggawa ng crimes against humanity may kaugnayan sa drug war.

Isinama ang kanilang mga pangalan sa binawasan na bersyon ng Document Containing Charges na isinumite ng Office of the Prosecution kahapon, February 13, 2026.

Ayon sa Office of the Prosecutor, sa pagitan ng November 1, 2011 at March 16, 2019, may nagkakaisang plano umano si Duterte at kanyang co-perpetrators na i-nuetralize ang mga pinaghihinalaang mga kriminal sa bansa, kabilang ang mga pinaghihinalaan na sangkot sa iligal na droga sa pamamagitan ng marahas na krimen kabilang ang pagpatay, na ito umano ang “common plan.”

Kinilala sa dokumento ang mga sumusunod na miyembro umano ng “common plan:”

Ronald “Bato” dela Rosa
Vicente Danao
Camilo Cascolan
Oscar Albayalde
Christopher Lawrence “Bong” Go
Dante Gierran
Isidro Lapeña
Vitaliano Aguirre II
Ibang miyembro ng Philippine National Police at matataas na opisyal ng bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Nakasaad pa sa dokumento, noong panahon na mayor pa lamang si Duterte, ginamit umano ng dating pangulo at ni Bong Go at ang mga nabanggit na law enforcement officials ang mga pulis sa Davao City at hindi mga pulis na hitmen, kasama ang DDS para patayin umano ang mga pinaghihinalaang mga kriminal.

Nakatakdang isagawa ang confirmation of charges laban kay Duterte sa Feb. 23, 2026.