Maglalabas ng utos ang International Criminal Court (ICC) na magsagawa ng panibagong pagsusuri sa kakayahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte na humarap sa paglilitis sa kasong crimes against humanity.

Sa unang status conference ng kaso, sinabi ni ICC Trial Chamber III Judge Joanna Korner na mag-uutos ang korte na muling suriin ang fitness to stand trial ng dating pangulo.

Ayon kay Korner, ang defense team ni Duterte ay nagsumite ng mosyon na nagsasabing ang naunang medical findings ay para lamang sa confirmation of charges proceedings at hindi sa aktuwal na trial.

Sinabi rin ng hukom na ang tatlong eksperto na unang sumuri sa dating pangulo ay muling aatasang magsagawa ng panibagong evaluation.

Dagdag pa niya, ipalalabas ang utos “sa lalong madaling panahon,” posibleng sa loob ng araw o kinabukasan.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi pa naman agad nagdesisyon ang korte sa kahilingan ng depensa na ipatawag at ipasailalim sa cross-examination ang mga eksperto.

Sumang-ayon naman ang legal counsel ni Duterte na si Peter Haynes sa naturang hakbang.

Tinalakay din sa status conference ang mga pre-trial deadlines, petsa ng paglilitis, ebidensya, mga wikang gagamitin, at iba pang proseso kaugnay ng kaso.