Nakatakdang idaos ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang ikalawang status conference kaugnay ng kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 23.

Ayon sa ICC, tatalakayin sa pulong ang mga itinakdang deadline para sa pagsusumite ng obserbasyon sa Expert Panel Report, pag-apruba sa protocol sa paghawak ng kumpidensyal na impormasyon, limitasyon sa haba ng trial brief ng prosekusyon, iskedyul ng mga susunod na status conference, at mga pampublikong pahayag ng mga abogado ng magkabilang panig.

Sinabi ng ICC na magiging bukas sa publiko ang naturang status conference, ngunit maaari itong magsagawa ng pribadong sesyon kung kinakailangan upang maprotektahan ang sensitibong impormasyon kaugnay ng seguridad at proteksiyon ng mga testigo.

Samantala, walang karagdagang usaping iminungkahi ang kampo ni Duterte at ang Registry para sa naturang pagdinig.

Matatandaang itinakda ng ICC noong unang status conference noong Mayo 27 ang pagsisimula ng paglilitis sa kaso sa Nobyembre 30, 2026, at iniutos din ang muling pagsusuri sa kalagayan ni Duterte upang matiyak kung siya ay akmang humarap sa paglilitis.

-- ADVERTISEMENT --