Itinakda ng International Criminal Court ang isang status conference sa Mayo 27, 2026 kaugnay ng kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang limang pahinang kautusan na may petsang Abril 30, inatasan ng ICC Trial Chamber III ang prosecution, defense, victims’ counsel, registry, at iba pang bahagi ng korte na magsumite ng kanilang mga paliwanag o dokumento hanggang Mayo 15.

Kabilang sa tatalakayin sa status conference ang petsa ng pagsisimula ng paglilitis, mga ebidensyang ihaharap, mga napagkasunduang facts, at iba pang usapin gaya ng disclosure ng impormasyon at testimonya ng mga saksi.

Ayon sa korte, maaari ring talakayin ang anumang posibleng pagkaantala sa trial bago pa ang pagpupulong.

I-stream din ang status conference sa website ng ICC na may 30-minutong delay.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang noong Abril 23, kinumpirma ng ICC ang mga kaso laban kay Duterte na may kinalaman sa umano’y pagpatay bilang crimes against humanity.

Kabilang sa mga kasong ito ang mga insidente sa Davao City noong siya ay alkalde, pati na ang mga operasyon noong kanyang panunungkulan bilang pangulo mula 2016 hanggang 2018, kung saan tinatayang dose-dosenang biktima ang nasangkot.

Noong Abril 29, itinalaga si Joanna Korner bilang presiding judge ng Trial Chamber III na hahawak sa kaso.

Naaresto si Duterte sa Maynila noong Marso 11, 2025 at agad na dinala sa The Hague sa Netherlands, kung saan siya ay kasalukuyang nakakulong sa ICC detention facility sa Scheveningen.