Naghain ng tatlong bilang ng crimes against humanity of murder ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kaugnay ng umano’y malawakang pagpatay at tangkang pagpatay na konektado sa kampanya kontra droga at mga naunang operasyon sa Davao City.

Batay sa pampublikong redacted na dokumento na may petsang Setyembre 22, 2025, inilahad ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang ang mga paratang.

Kabilang dito ang:

1.Murder bilang crime against humanity sa Davao City noong ito ay alkalde sa pagitan ng 2013 hanggang 2016 na may 19 biktima sa siyam na insidente;

2.Murder bilang crime against humanity laban sa “high value targets” mga iba’t-ibang lugar sa Pilipinas noong ito ay pangulo mula 2016 hanggang 2017 na may 14 biktima sa limang insidente; at

-- ADVERTISEMENT --

3. Murder at attempted murder bilang crimes against humanity sa barangay clearance operations sa iba’t-ibang lugar sa bansa noong ito ay pangulo mula 2016 hanggang 2018 na may kabuuang 45 biktima mula sa 35 insidente.

Batay sa Article 7 at 25 ng Rome Statute, binigyang-diin ng prosekusyon ang “individual criminal responsibility” ni Duterte sa pamamagitan ng indirect co-perpetration, pag-utos o pag-udyok sa mga krimen, at pagtulong o pag-abot sa kanilang pagsasagawa.

Nasa kamay ngayon ng ICC Pre-Trial Chamber ang pagbusisi sa mga kasong isinampa upang matukoy kung uusad ito tungo sa isang ganap na paglilitis.