Itinalaga ng International Criminal Court (ICC) si ICC Judge Joanna Korner bilang presiding judge ng Trial Chamber III na hahawak sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga.

Ayon sa dokumentong may petsang Abril 29, kinumpirma ng ICC Trial Chamber III na si Korner ang mamumuno sa tatlong-hukom na panel.

Ginawa ang hakbang ilang araw matapos buuin ng ICC Presidency ang Trial Chamber III noong Abril 24.

Bukod kay Korner, kabilang din sa panel sina ICC Judge Keebong Paek at ICC Judge Nicolas Guillou, na pormal na itinalaga para dinggin ang kaso laban sa dating pangulo.

Si Korner ay isang beteranong hukom mula sa United Kingdom na may mahigit 45 taong karanasan sa criminal law. Naging bahagi siya ng ICC Trial Division mula Marso 2021 at inaasahang mananatili hanggang 2030.

-- ADVERTISEMENT --

Bago sumapi sa ICC, nagsilbi siya bilang hukom sa Crown Court ng England at Wales, kung saan humawak siya ng mga kasong murder at fraud. Naging prosecutor din siya sa International Criminal Tribunal for the former Yugoslavia.

Noong 2004, ginawaran siya ng Companion of the Order of St. Michael and St. George (CMG) bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa international law.

Itinuturing na mahalagang hakbang ang pagbuo ng Trial Chamber III at ang pagtatalaga ng presiding judge sa mas pag-usad ng kaso laban kay dating Pangulong Duterte sa ilalim ng ICC proceedings.