Pormal nang isinampa ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) ang Document Containing Charges (DCC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan.
Ayon kay Atty. Gilbert Andres, abogado ng mga biktima ng extrajudicial killings, isasapubliko ang dokumento kapag na-redact na ang mga sensitibong detalye tulad ng pangalan ng mga testigo.
Nilalaman ng DCC ang mga partikular na akusasyon laban kay Duterte, kabilang ang gender-based violence, arbitrary imprisonment, torture, at iba pang inhuman acts na umano’y bahagi ng marahas na kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.
Dagdag ni Andres, ang DCC ang magiging batayan ng paglilitis at maglalaman ng mga ebidensya, testigo, at dokumentong ihaharap ng prosekusyon para sa confirmation of charges sa Setyembre 23.
Inilahad din niya na nauna munang inilabas ang arrest warrant laban kay Duterte, alinsunod sa proseso ng ICC sa mga kasong may internasyonal na saklaw.
Bukod dito, tinanggihan ng ICC judges ang hiling ng kampo ni Duterte na i-disqualify ang dalawang hukom, at kamakailan ay nadagdagan pa ang mga ebidensya laban sa kanya na magpapatunay umano ng sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan mula Davao Death Squad hanggang Oplan Tokhang.