
May kabuuang 2,279 piraso ng ebidensiya ang inuri ng International Criminal Court (ICC) prosecution bilang “incriminating” sa kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bahagi ang mga ito ng kabuuang 6,909 ebidensiya na isiniwalat ng prosekusyon sa defense team ni Duterte mula Enero 7 hanggang Hulyo 31, 2026, bilang paghahanda sa nakatakdang paglilitis sa Nobyembre 30.
Ayon sa prosecution, ang “incriminating” evidence ay mga materyal na maaaring gamitin upang patunayan ang pananagutan ni Duterte sa mga kasong crimes against humanity. Kabilang dito ang mga ebidensiyang may kaugnayan sa mga operasyon sa barangay noong drug war, gayundin sa umano’y Davao Death Squad.
Samantala, 4,573 ebidensiya ang inuri sa ilalim ng Rule 77, na tumutukoy sa mga tangible evidence gaya ng mga dokumento, larawan, libro at iba pang materyal na maaaring suriin ng defense team.
Mayroon ding 57 ebidensiya na itinuring na “potentially exonerating,” kabilang ang anim na materyal na maaaring magpahina sa kredibilidad ng isang testigo at 51 iba pang impormasyon na maaaring makatulong sa pagbuo ng depensa.
Itinakda sa Nobyembre 30, 2026 ang pangunahing paglilitis ni Duterte sa ICC kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity na may kinalaman sa mga pagpatay sa ilalim ng kaniyang kampanya kontra ilegal na droga noong alkalde pa siya ng Davao City at noong Pangulo ng bansa.
Iginiit naman ng kampo ni Duterte na patutunayan nito sa paglilitis na walang naging polisiya ang kaniyang administrasyon na pumatay ng mga suspek sa drug war.










