Isinumite ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) ang 11th batch ng mga ebidensiya laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kasong crimes against humanity may kaugnayan sa war on drugs.

Base sa dokumento na may petsang July 1, iprinisinta ng prosecution team ang libu-libong piraso ng mga bagong ebidensiya sa defense team ni Duterte.

Ang nasabing hakbang ay bahagi ng rules of procedure and evidence ng ICC.

Kabilang sa mga bagong ebidensiya na iprinisinta ay ang mga pagpatay na ginawa umano ng “Davao Death Squad” noong mayor pa si Duterte ng Davao City at ang mga pagpatay sa barangay clearance operations noong siya pa ang pangulo ng bansa.

Matatandaan na tinulungan ng mga awtoridad ng bansa ang Interpol sa pagsilbi ng warrant of arrest mula sa ICC laban kay Duterte noong March 11, 2025.

-- ADVERTISEMENT --

Pagkatapos ng kanyang pagka-aresto, dinala si Duterte sa The Hague, Netherlands, kung saan siya ay nakakulong ngayon sa Hague Penitentiary Institution o ang Scheveningen Prison.

Sisimulan ang confirmation of charges laban kay Duterte sa September 23, 2025.